3:37 AM
January 27, 2013 6:45pm


Umaasa si Pangulong Benigno Aquino III na maisusumite ng National Bureau of Investigation ngayong linggo ang ulat nila sa shooting incident noong Enero 6 sa bayan ng Atimonan sa Quezon na nagresulta sa pagkamatay ng 13 katao.

Sa ulat ng government-run dzRB radio, sinabi ni Aquino na natapos na ang final report ng NBI noong Biyernes pa, ngunit nasa Switzerland siya ng mga panahong iyon.

Dagdag nito, inatasan ni Aquino ang NBI na huwag munang magpadala ng kopya ng ulat sa kanyang opisina upang maiwasan ang pag-leak nito.

Inatasan ni Aquino ang NBI na maging ang nag-iisang ahensya na mag-iimbestiga sa insidente. Iginiit ng mga pulis na shootout umano ang naganap sa pagitan nila at ng mga umano'y gun-for-hire syndicate.

Gayunpaman, naniniwala si Justice Secretary Leila de Lima na hindi shootout ang insidente.

Nakabalik ng bansa si Aquino mula sa kanyang pagbisita sa Switzerland nitong Linggo ng hapon.

Samantala, ayon sa ulat, nananatili umanong kontento si Aquino kay Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. bilang ang pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Commission.

Naunang inihayag ng PAOCC na habang naisumite nga ang plano ng operasyon noong Ebero 6, hindi ito naaprubahan. — Amanda Fernandez/BM, GMA News

0 comments:

Post a Comment