2:56 AM
February 2, 2013 6:10pm




Tiyak na dadalo umano si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III sa proclamation rally ng administration coalition’s senatorial bets sa Manila sa February 12, ayon sa tagapagsalita ng partido.

Sinabi ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone nitong Sabado, na biglang nagbago ang plano at nagdesisyon ang pangulo na pumunta sa proclamation rally na gagawin sa makasaysayang Plaza Miranda.

“'Yan ang pagkakaalam ko, dadalo siya ... Base sa ating discussion sa leaders ng LP, siya ay sasama at makikiisa sa proclamation rally," paliwanag ni Evardone sa panayam ng dzRB radio.

Mahalaga umano sa LP na idaos sa Plaza Miranda ang proclamation rally dahil dito naganap ang paghahagis ng granada sa rally ng nabanggit na partido noong 1971 kung saan ilang kandidato nila ang malubhang nasugatan kabilang si dating Sen. Jovito Salonga.

Maging sa ipinalabas na unang patalastas ng buong 12 kandidatong senador ng administration coalition ay nagpakita ng suporta si Aquino sa pamamagitan ng paggamit ng kanyang tinig.

Ayon sa mga kaalyado ni Aquino, ginawa ito ng pangulo para ipaalam sa publiko kung sino ang kanyang mga kandidato. Ito'y bunga na rin sa pagpapakilala ng ibang kandidato ng United Nationalists Alliance (UNA) na sila man ay sumusuporta sa programa ng pamahalaan.

Kasama sa koalisyon ng administrasyon ang LP, Nacionalista Party at Nationalist People’s Coalition. — FRJ, GMA News

0 comments:

Post a Comment