2:40 AM
November 30, 2012 6:15pm

Tulad ng inaasahan, dinagsa ng mga deboto ang Pambansang Araw ng Pasasalamat na idinaos sa Cebu City nitong Biyernes kaugnay ng pagkakahirang sa kanilang kababayan na si Pedro Calungsod bilang Santo.

Iniulat ni GMA-Cebu Allan Domingo sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, kung gaano karami ang mga tao na nagtungo sa Southwood Properties upang makiisa sa pagdiriwang.

Hindi magkamayaw ang mga tao sa pagbubunyi nang makita ang pagdating ng imahen ni San Pedro Calungsod na kasama rin sa isinagawang fluvial parade nitong umaga ng Biyernes.



Nagmula pa sa iba't ibang panig ng bansa ang mga taong nakiisa sa selebrasyon na karamihan sa kanila ay may dalang palaspas na naging simbulo na rin ni San Pedro, ang ikalawang Pilipinong santo kasunod ni San Lorenzo Ruiz.

Ang mga alagad ng Simbahang Katolika ay pinangunahan ni Cebu Archbishop Ricardo Cardinal Vidal.

Kabilang sina Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III at Vice President Jejomar Binay sa mga magiging panauhin sa naturang selebrasyon. - FRJ, GMA News

0 comments:

Post a Comment